DAGUPAN CITY – Nagdulot ng panganib at pangamba para sa mga Pilipinong mangingisdang pumapalaot ang pagdami ng mga Chinese Vessels sa West Philippine Sea, partikular sa may bahagi ng Ayungin Shoal, kung saan lumobo na sa mahigit dalawang daan ng bilang ng mga nasabing barko sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap ang National Chairperson ng Pamalakaya Pilipinas, hindi itinuturing ng mga nagingisda ang kanilang sitwasyon bilang malaya dahil sa banta ng mga Chinese Vessels, lalo na at ilan sa mga pumapalaot sa lugar ay mga maliliit na mangingisda.
Aniya, ganoon pa rin ang sitwasyon ng mga mangingisda sa lugar kung saan hindi sinasabing sila makapasok sa fishing grounds tulad ng Panatag Shoal at iba pa at nananatili lamang sila sa gilid ng dagat.
Naging mas pasakit umano ito sa sitwasyon ng mga kababayan nating mangingisda lalo na at hindi naman mataas ang kuha sa kanila ng mga traders.
Iniulat din ng ilang mga mangingisda sa grupo na may mga insidente sa lugar kung saan pinuputol ng mga Chinese Coast Guard at ilang mga commercial fishing vessels ng China ang lubid na gamit ng mga mangingisda sa kanilang payaw.
Dahil sa sitwasyon ay naitalang 80 percent ng huli ng mga mangingisda ang nawala, mas mataas ito kumpara sa mga pinsalang naidulot nitong mga nakaraang taon.
Sa ngayon ay limitado na lang ang napapangisdaan ng ating mga kababayan dahil sa bantang dulot, at kailangang grupo grupo ang pagpalaot upang mas maging ligtas ang kanilang kalagayan, at may magsilbing witness sa oras na pagbantaan sila ng mga nasabing grupo.