DAGUPAN CITY—Nilinaw ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, na walang obligasyon si Vice President Sara Duterte na personal na dumalo sa kanyang impeachment hearings.
Ayon sa kanya, sapat na ang pagsusumite ng sagot ng Bise Presidente hinggil sa mga reklamong isinampa laban sa kanya, kaya’t hindi na kinakailangan ang kanyang pagdalo sa mga pagdinig. Ipinaliwanag din niya na ang Committee on Justice ay hindi isang hukuman, kaya wala itong kapangyarihang pilitin ang sinumang inaakusahan na humarap kung hindi naman ito kinakailangan.
Dagdag pa niya, maaari ring bahagi ng estratehiya ng depensa ang hindi pagdalo ni Duterte, lalo na’t maituturing na “enemy territory” ang House of Representatives. Ito umano ang posibleng mga konsiderasyon ng kampo ng Bise Presidente sa kanilang naging pasya.
Giit pa ni Yusingco, hindi magkakaroon ng malaking epekto sa magiging resulta ng proseso ang pagliban ng Bise Presidente. Dahil sa kanyang pananaw, tila nakabuo na umano ng direksyon ang Kamara ukol sa kahihinatnan ng impeachment.
Gayunpaman, nananatiling hindi tiyak kung gaano katagal tatagal ang mga pagdinig, bagamat may itinakdang 60 session days ang komite upang magpasya.
Batay sa mga nagdaang pagdinig at sa mga pahayag ng mga miyembro ng komite, malaki ang posibilidad na magrekomenda ang Committee on Justice ng impeachment.
Sa kabila nito, hindi pa rin tiyak kung makakakuha ng kinakailangang boto mula sa plenaryo ang naturang rekomendasyon. Kailangan ang hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng House of Representatives upang paboran ang impeachment.
Matapos ang mga pagdinig, deliberasyon, at pagsusumite ng ulat ng komite, ipapasa ito sa plenaryo. Doon magpapasya ang mga mambabatas kung tatanggapin o tatanggihan ang rekomendasyon—na siyang magtatakda kung aabot ba sa Senado ang kaso o tuluyan nang matatapos sa Kamara.










