BOMBO DAGUPAN- Perwisyo umano sa mga lokal na residente ng Fujikawaguchiko ang naidulot ng mga turistang nagsisidagsaan sa partikular na lugar upang makakuha ng magandang litrato ng Mt. Fuji.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jose Letro Palma, Bombo International News Correspondent sa Japan, noong nakaraang miyerkules pa nilagyan ng mesh net barrier ang naturang lugar upang maiwasan ang pagdagsa ng mga turista sa isang sidewalk malapit sa convenient store.
Aniya, nag-udyok sa mga residente na gawin ito dahil sa pagkakalat, pag-trespass, at paglabag sa batas trapiko ng mga turista.
Dahil kase sa mga ito, nakapagtala din ng halos lumampas sa 3-billion overseas tourist ang Japan sa unang pagkakataon sa loob lamang ng buwan ng Marso at Abril.
Naperwisyo din ang isang malapit na klinika dahil maliban sa walang permisong pag parking, umaakyat pa umano ang mga turista sa bubongan upang makakuha lamang ng litrato.
Maliban diyan, sisingilin naman ng 2,000 yen o nasa higit P700 at may karagdagan na boluntaryong 1,000 yen donation ang mga hikers na dumadaan sa kilalang ruta paakyat sa Mount Fuji. Lilimitahan naman sa 4,000 katao bawat araw ang makakaakyat upang maiwasan ang congestion.
Ayon pa kay Palma, mayroon ding iba pang lugar na naging kilalang sikat na photo spot kaya binakuran din ito upang pigilan ang mga tao na pumasok sa median strip ng isang highway bridge.
Gayunpaman, hindi pa nito napigilan ang problema sapagkat binutasan pa umano ng mga turista ang net ng naturang bakod upag magkasya ang camera ng mga ito. Kaya, binabalak na ng mga opisyal na palitan ito ng matigas na barriers upang tuluyan nang maharangan ang mga turista.
Samantala, nagbigay na din ng deadlines at batas ang mga lokal na otoridad sa mga nasabing spots sa pamamagitan ng malaking karatula na nakasaad sa iba’t ibang lenggwahe upang mapanatili ang mga kaayusan. Kabilang na dito ang pagmulta sa pagkakalat at ilegal na pag parking.
Ayon pa kay Palma, nararapat lamang ito upang mabigyan respeto ng mga turista ang mga naturang lugar.