DAGUPAN CITY- Marami ang mga stranded sa ilang mga lugar sa lalawigan ng Nueva Vizcaya habang nanalasa ang bagyong ‘Pepito’ sa bayan ng Sta. Fe.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jeffrey Jallorina, Public Information Officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa nasabing probinsya, maraming natanggap na tawag mula sa mga residente ang kanilang tanggapan na humihingi ng tulong.
Aniya, nagkaroon sila ng koordinasyon mula sa mga iba’t ibang munisipyo upang rumesponde sa mga residente.
Isinara naman na nila ang north bound at south bound dahil sa nagsitumbahang puno at poste.
Maliban pa riyan, labis ang kanilang pagtutok sa landslides dahil ito aniya ang madalas nilang maranasan.
Samantala, nagkaroon naman sila ng pagpapatupad ng pre-emptive evacuation matapos itaas ang memorandum mula sa kinuukulan.
At simula kagabi, nakapagtala na sila ng hindi bababa sa 455 na pamilya o 1,656 na indibidwal ang nailikas na.
Tiniyak naman ni Jallorina, sapat ang kanilang mga responders at kagamitan sa tuwing ganitong may kalamidad. Katuwang rin nila ang kapulisan at ang Bureau of Fire Protection ng kanilang lalawigan.