Dagupan City – Tila napilitan na lamang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbbestigahan ang anomalya sa
Flood Control Project.

Ito ang binigyang diin ni Atty. Michael Henry Yusingco, Political analyst, dahil aniya nabanggit na kasi at nabuksan niya ito noong kaniyang nakaraang State of the Nations Address o SONA.

Ayon pa kay Yusingco, nakakaalarma umano ang naging pahayag ng Pangulo na hindi siya aalis sa pamahalaan hangga’t hindi nareresolba ang isyu ng anomalya.

--Ads--

Giit pa niya, mahalagang marinig sa Kongreso ang panawagan ng taumbayan na mapanagot ang mga nasa likod ng mga kuwestyonableng proyekto.

Sa katunayan aniya, hindi maganda ang ganitong uri ng pamamalakad dahil ang nalulugi ay ang mga ordinaryong mamamayan.

Ibinunyag din ng abogado na may dalawang posibleng dahilan kung bakit hindi agad nalalaman ang anomalya: una, sadyang itinatago ang mga dokumento; o pangalawa, wala talagang dokumento — isang seryosong paglabag na nangangailangan ng masusing paliwanag.

Sa kabila nito, pinuri naman ni Yusingco ang determinasyon ng ilang opisyal na patunayan na kaya nilang tapatan ang impluwensya ng pork barrel, na aniya’y kadalasang kinokontrol ng mga kasapi ng political dynasties.

Nananawagan naman ito sa publiko na tutukan ang pamahalaan sa gagawing konkretong aksyon mula sa pamahalaan at Kongreso sa gitna ng isyung ito, na patuloy na nagpapakita ng malalim na ugat ng katiwalian sa sistema.