Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) region 1 na ang pagbuo ng Barangay Employment Services Office (BESO) ay para sa kadahilanang magbaba pa ang iba pa nilang programa sa mga komunidad lalo na sa mga barangay upang tumaas ang employment rate sa rehiyon uno.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Justin Paul Marbella, ang information officer ng DOLE Region 1, ang naturang programa ay inisyatiba ng Public Employment Service Office (PESO) kahit wala pang direktiba ang nasyunal na pamahalaan at Bureau of Local Employment nang sa gayon ay magkaroon ang mga ito ng counterparts sa mga barangay.
Natutuwa naman aniya ang kanilang ahensya dahil sa kooperatiba dito ng mga barangay officials at kanilang katuwang sa serbisyo dahil hindi umano nila nakikita ang bagay na ito bilang dagdag sa kanilang responsibilidad kundi isang empowerment sa kanila bilang mga namumuno sa komunidad.
Ang mga naturang opisyal din naman ani Marbella ang magiging katuwang ng DOLE at PESO sa pag-iimplementa ng mga mahahalagang programa sa ilalim ng Employment and Labor na magbibigay din naman ng benepisyo hindi lamang sa kanila kundi maging sa kanilang mga nasasakupan.
Dagdag pa ni Marbella na noon pang mga nakaraang taon ay ito na ang laman ng kanilang promosyon at kanila umanong hinihimok ang mga PESO managers na gumawa ng mga estratehiya para masigurado na mapagaan ang serbisyo at mas mapatibay ang presensya ng mga programa ng DOLE sa mga komunidad.
Noong 2021 aniya ay opisyal na nagkaroon ng mga batas partikular sa bayan ng Infanta at Alaminos sa Pangasinan kung saan mayroon ang mga itong naipasang mga ordinansa na sumusuporta sa pagkakaroon ng PESO sa kanilang Local Government Unit (LGU).
Makatutulong din aniya ang BESO sa kanilang adhikain na mapataas ang employment rate at masolusyunan ang suliranin patungkol sa kawalan ng mga trabaho ng mga mamamayan.