DAGUPAN CITY- Problema man ang pagbaha sa ilang bahagi ng West Central Elementary School, patuloy ang kanilang paghahanda sa pagbubukas ng bagong school year sa darating na lunes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Renato Santillan, Principal IV ng nasabing paaralan, dahil malapit lamang sa Pantal River ang kanilang paaralan kaya binabaha sila sa tuwing nagkakaroon ng high tide.

May ilang mabababang parte din ang kanilang paaralan na bahain sa tuwing umuulan at tumataas ang katubigan sa ilog, gayunpaman, hindi naman ginagamit ang nasabing bahagi.

--Ads--

Ani Santillan, hindi naman binabaha ang mga bahaging ginagamit ng kanilang paaralan partikular na ang mga silid paaralan.

Gayunpaman, sa kabila ng sama ng panahon ay ipagpapatuloy nila ang pasukan sapagkat ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni bagong kalihim ng Edukasyon na si Sonny Angara.

Nakasaad kase dito na magbubukas ang isang paaralan kung hindi naman ito gaanong naapektuhan ng Bagyong Carina.

Hinihiling na lamang ni Santillan sa mga estudyante at kaguruan na maghanda ng bota at panangga sa ulan kung sakaling may pag-ulan at high tide sa araw ng lunes.

Samantala, patuloy pa din ang enrollment sa kanilang paaralan.

Dahil sa suspension ng mga klase noong nakaraang araw, inaasahan nila ang pagdagsa ng mga maghahabol sa lunes.

Hahabulin din kase nila ang target nilang 1,600 enrollees at sa kasalukuyan, nasa 80% na ang kanilang nakakamtan.

Hindi rin nila tatawaging late enrollees ang mga ito dahil kabilang pa din ito sa Oplan Balik Eskwela.

Dagdag pa ni Santillan, nakahanda sa lunes ang orientation ng mga magulang at mag-aaral ng kindergarten hanggang grade 1 bago magsimula ang mismong klase.

At sa hapon naman ibibigay ang mga learning materials sa mga mag aaral bilang paghahanda sa mga pagsuspinde ng klase sa hinaharap dulot ng sama ng panahon.

Sa kabilang dako, naging maayos at maraming tumulong sa unang araw ng Brigada Eskwela ng West Central Elementary School. Naantala lamang ito nang mag anunsyo ang alkalde ng lungsod ng Dagupan ng suspensyon ng mga pasok sa paaralan kamakailan lamang.

Magpapatuloy naman ito ngayon araw kung hindi na mag aabiso pa ang alkalde ng karagdagang suspensyon.

Gayunpaman, handa na ang mga kagamitan para sa pagubbukas ng paaralan.