BOMBO DAGUPAN – Hindi na bago ang ang pagsusulputan ng iba’t ibang uri ng produkto na nakakasama sa kalusugan lalo na ang mga hindi rehistrado at hindi legal na ipagbili sa publiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tony Dizon Campaigner, Ban Toxics na matagal ng minomonitor ang ganitong insidente subalit consistent at palagian na lamang ay nakalulusot parin.

Aniya nasa online halos karamihan ng mga ibinebenta ay mga ipinagbabawal gaya na lamang ng mga iba’t ibang klase ng pampaputi gaya na lamang ng isang beauty products na galing sa bansang Thailand.

--Ads--

Napag-alaman kasi na ang mga ingredients ng nasabing produkto ay nagtataglay ng nakalalasong kemikal na masama sa kalusugan ng tao lalo na sa internal organs gaya ng puso at sa atay.

Isa sa mga suspetiya nila ay isinasabay sa mga legal shipment ang mga ganitong produkto at hindi na nabubusisi pa ng maigi sa regulatory agency kaya’t nakalulusot.

Kaugnay nito aniya ay dapat mabantayan ang mga pantalan sa pagpasok ng mga produkto, pangalawa ay dapat maging aktibo ang mga regulatory agency at pangatlo dapat ang mga online shopping platforms ay alam lahat ng regulasyon.

Nagpaalala naman ito sa publiko lalo na sa mga mahilig bumili online ay mainam na suriin muna ang mga bibilhin at kailangang maging mas maingat.

Dapat din ay hintayin muna ang mismong abiso ng Food and Drug Administration patungkol sa mga beauty products na suri na at legal na pwedeng ibenta.