DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga mamimili sa syudad ng Dagupan, Pangasinan para sa pagbili ng mga christmas lights lalo na’t papalapit na ang kapaskuhan.
Ayon kay Natalia Dalaten, Director officer ng DTI Dagupan, tinitiyak nila ang mga kaligtasan ng mga mamimili sa pamamagitan ng pag-aabisong siguraduhinh mayroong “quality mark” sticker ang packaging ng bibilhing palamuti.
Ito aniya ang nagpapatunay na sumunod sa mga pamantayan na itinatag ng Bureau of Product Standards (BPS) ang mga produkto.
Dapat naman suriin ang mga imported na produkto kung may “Import Commodity Clearance” sticker ito. Ito ay patunay na ang mga Christmas lights na nangaling sa ibang bansa ay nakapasa sa mga pamantayan ng kalidad sa Pilipinas. Sa pamamagitan nito, masisiguro ng mga mamimili na ang mga ilaw ay hindi lamang maganda kundi ligtas din gamitin sa kanilang mga tahanan.
Kapag bumibili ng Christmas lights, ugaliing magbasa ng mga impormasyon sa packaging. Dito makikita ang wastong paggamit at mga babala na makatutulong upang maiwasan ang mga hindi inaasahang insidente kagaya ng sunog.
Dagdag pa ni Dalaten na dapat ding tukuyin kung ang produkto ay pang indoor o outdoor, upang masiguro na ito ay ligtas at angkop sa paggamit sa mga dekorasyon sa kabahayan.
Panawagan naman ni Dalaten na kung sakaling may alinmang pagdududa, huwag mag-atubiling magtanong sa mga nagbebenta. Sila ang makapagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa kalidad ng mga produkto.
Maaari ring bisitahin ang website ng DTI para sa higit pang detalye at kumpirmasyon upang matiyak na magiging masaya at ligtas ang pagdiriwang ng kapaskuhan.