Libu-libong mga protesters ang nagtipon sa kabisera ng Thailand, Bangkok upang hilingin ang pagbibitiw ni Prime Minister Paetongtarn Shinawatra, sa gitna ng lumalakas na presyon sa isang pamahalaang nalalagay sa panganib ng pagbagsak dahil sa alitan sa hangganan sa kalapit na bansang Cambodia.

Sa pinakamalaking kilos-protesta mula nang maupo sa kapangyarihan ang partidong Pheu Thai noong 2023, hindi alintana ng mga tao ang malakas na ulan dulot ng habagat upang ipakita ang kanilang pagtutol sa 38 taong gulang na opisyal, na kasalukuyang humaharap din sa hamon ng pagbangon ng humihinang ekonomiya at pagpapanatili ng marupok na koalisyon sa gitna ng nalalapit na botohan.

“Dapat na siyang magbitiw dahil siya ang mismong problema,” ayon kay Parnthep Pourpongpan, isa sa mga lider ng protesta.

--Ads--

Nagsimula ang pinakahuling alitan noong Mayo, nang magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Thailand at Cambodia sa isang pinag-aagawang bahagi ng hangganan.

Nanawagan ang mga nasyunalistang grupo ng Thai na bumaba sa puwesto si Paetongtarn matapos siyang mabatikos sa isang lumabas na audio recording ng pakikipag-usap niya kay dating lider ng Cambodia na si Hun Sen, kung saan tila kinuwestiyon niya ang isang Thai army commander at nagpakita ng pagpapasakop kay Hun Sen.

Ang pampublikong pagpuna sa militar ay itinuturing na isang sensitibong isyu sa Thailand, kung saan malaki ang kapangyarihan at impluwensiya ng mga sundalo. Humingi ng paumanhin si Shinawatra matapos kumalat ang naturang tawag.

Dagdag pa ni Parnthep, maraming Thai ang naniniwalang si Shinawatra at ang kanyang makapangyarihang ama na si Thaksin Shinawatra ay naaapektuhan o naiimpluwensyahan ni Hun Sen, dating kaalyado ng kanilang pamilya na ngayo’y itinuturing na tumalikod sa kanila.