DAGUPAN CITY- Hindi na dapat patagalin ang pagbibigay ng clemency kay Mary Jane Veloso dahil matagal na itong namalagi sa piitan sa ibang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lucy Ortega mula sa Samahan ng mga Domestic Helper sa Gitnang Silangan, nanawagan ang kanilang grupo sa Pangulo ng Pilipinas na bigyan ng clemency si Mary Jane Veloso, isang overseas Filipino worker na matagal nang nakakulong sa ibang bansa.
Aniya, nararapat lamang na palayain si Mary Jane dahil nakita na ng mundo na siya ay inosente.
Ibinahagi rin ni Ortega ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamilya ni Mary Jane, kung saan kanilang naramdaman ang matinding kalungkutan at pangungulila ng mga mahal nito sa buhay.
Nanawagan din ang grupo na sana ay huwag nang patagalin pa ang proseso ng clemency, lalo na at tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magbigay ng kalayaan sa ating kababayang si Mary Jane.