DAGUPAN CITY- Kawawa pa rin umano ang mga vulnerable sector sa P20/kilo na bigas dahil kinakailangan pa nilang pilahan ang isa sa mga pangunahin kailangan na pagkain.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Chairperson ng Bantay Bigas, limitado pa ang mga Kadiwa Stores na nakakabenta nito kaya kailangan pang dayuhan ng mga nasa malalayong lugar.

May ilan na nilalakad na lamang ito subalit, hindi na nila naaabutan at nauubusan na sila ng stock.

--Ads--

Kaya nananawagan ang Bantay Bigas na huwag paasahin ang mga vulnerable sector sa programang ito at dapat lamang masustentuhan pa ito ng gobyerno.

Gayunpaman, ang ginagamit na lamang na stock para maisulong ito ay mula sa sobrang bigas sa food security emergency program noong February 3.

At nakikita na lamang nila na magiging matagumpay ito kung tuluyan nang ibabasura ang Republic Act no. 11203 o Rice Liberalization Law.

Sa pamamaraan na ito ay talagang matutugunan ang nararanasang kagutuman sa bansa at hindi ito mauuwi sa pagiging bond-aid solution lamang, tulad ng mga nagdaan na mga programa.

Maliban pa riyan, kung mabibigyan ng sapat na sabsidiya at matiyak ang irigasyon sa mga taniman ay maitutuloy-tuloy ang pagbebenta ng mababang halaga ng bigas.

Ipagbawal din sana aniya ang land use conversion dahil lumiliit ang kalupaan na napagtatamnan ng mga magsasaka.

Dapat rin niya na madagdagan ang budget ng National Food Authority (NFA) para mas marami pa ang mga lokal na palay ang kanilang mabili at maipagiling ito upang marami pa ang mga bigas na maibenta.