Dagupan City – Posible pa ring gamitin bilang testigo ng Office of the Ombudsman si dating security aide Orly Guteza at iba pang indibidwal na bumawi sa kanilang mga naunang pahayag.
Ito ang ipinaliwanag ni Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutionalist at Ateneo Policy Center senior research fellow kung saan ay sinabi nitong kuwestiyonable ang biglaang paglitaw ng mga testigo, lalo na kung tunay umano ang kanilang hangaring ilabas ang katotohanan.
Aniya, kung mayroon talaga silang nalalaman at malasakit na maihayag ang katotohanan, dapat ay agad silang nagtungo sa Ombudsman o Department of Justice (DOJ) upang doon pormal na isiwalat ang kanilang nalalaman.
Duda rin si Yusingco sa paraan ng kanilang unang pagsisiwalat dahil isinagawa ito sa pamamagitan ng isang press conference.
Dahil dito, aniya, maaari nang kuwestiyunin sa simula pa lamang ang kredibilidad ng kanilang mga pahayag, lalo na kung lumitaw na may mga ipinangakong kapalit o insentibo sa mga testigo.
Gayunman, sinabi ni Yusingco na hindi nangangahulugang mawawalan na agad ng epekto sa kaso ang pagbawi ng kanilang mga pahayag, lalo na kung marami pang ibang testigong maaaring maglahad ng ebidensiya.
Maaari rin umanong ituring ng Ombudsman bilang hostile witness ang mga nag-recant o bumawi ng kanilang testimonya, depende sa magiging pagsusuri kung makatutulong ang kanilang mga nalalaman sa imbestigasyon.
Bukod sa posibleng libel case, sinabi rin ni Yusingco na maaaring pumasok ang usapin ng perjury kung mapatutunayang nagsinungaling ang mga testigo sa ilalim ng panunumpa.
Maaari rin umanong managot, depende sa resulta ng imbestigasyon, ang mga taong nagplano at tumulong sa paggawa o pagpapalabas ng naturang mga pahayag.
Samantala, nauna na rito na inamin naman ni Guteza na hindi lamang pera ang nagtulak sa kanya upang gumawa umano ng maling testimonya laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Matatandaang binawi ni Guteza ang una niyang affidavit kung saan sinabi niyang naghatid siya umano ng malalaking halaga ng pera sa bahay ni Romualdez sa Forbes Park, Makati.
Sa kanyang pagbawi, sinabi ni Guteza na umano’y sinuhulan siya nina Senator Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor.
Sa pananaw ni Yusingco, ipinapakita ng naturang pangyayari na may ilang indibidwal na nagiging kampante at naniniwalang maaari nilang manipulahin ang proseso ng hustisya.










