BOMBO DAGUPAN- Ang mga kaliwa’t kanan na reclamation projects sa Manila Bay umano ang salarin sa mataas na pagbaha sa kaMaynilaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap, Chairperson ng Pamalakaya, dahil sa mga nasabing proyekto na kinabibilangan ng mga malalaking kumpanya, hinaharang na nito ang daloy ng tubig baha kaya lalo nitong pinapataas ang lebel ng tubig sa tuwing nakakaranas ng pagsabay ng habagat at bagyo ang ating bansa.
Maliban din kase sa mga basura na humaharang sa drainage systems, pinipigilan din nito ang malayang pagdaloy ng tubig baha palabas ng Manila Bay.
Ani Hicap na dahil dito, marami nang binabaha sa National Capital Region kahit hindi naman ganito noon.
Giit ni Hicap na lalo lang nag paglala nito kung hindi mareresolba ang pagkontrol ng tubig.
Maaari din aniya itong makaapekto sa produksyon ng pagkain dahil papalubugin lamang nito ang ektaryang pinagtatamnan ng palay, gayundin sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Kaya paborable sila Hicap sa pagsuporta ng mga ilang senador sa pagpapatigil ng mga reclamation projects. Malaking tulong din kase ito upang maunawaan pa lalo ang nararanasang suliranin ng mga Pilipinong naaapektuhan ng pagbaha dulot ng proyekto.
Samantala, kwestyonable lamang kay Hicap ang ipinagmalaking 5,500 flood control projects ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address.