DAGUPAN CITY- Hindi na bago ang parating record-high na pagkakautang ng Pilipinas kung hindi naman babaguhin ng gobyerno ang kanilang pamamaraan para kumita.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, kaysa harapin ng gobyerno ang pagkakautang ay inaasahan pa ang paglobo nito ng P16-Billion sa pagtatapos ng 2024.
Aniya, halos P200-million ang inuutang ng administrasyong Marcos kada buwan at makalipas lamang ang dalawa at kalahating taon matapos ang administrasyong Duterte ay tumaas pa sa P3-trillion ang pagkakautang ng bansa.
Giit ni Africa, lalo pang aasahan ang patuloy na paglaki nito kung tanging pagbigat ng buwis sa mga mahihirap at pagbawas naman sa buwis ng mayayaman ang ginagawa ng gobyerno upang kumita.
Maliban pa riyan, may proposed bill pa ang gobyerno na bawasan ang buwis ng mga malalaking kumpanya.
Sinabi naman ni Africa na naaapektuhan nito ang pambansang budget dahil may malaki itong prosyento na inilalaan para mabawasan ang lumolobong utang upang makautang lamang uli.
Kaya dapat lamang magkaroon ng malinaw na datos upang makita kung saan napupunta ang inuutang ng gobyerno.
At upang magkaroon ito ng tunay na solusyon, dapat aniyang buwisan ang mga mayayaman at malalaking kumpanya.
Kung magkakaroon ng hindi tataas sa 6% na buwis ang mga milyonaryo at bilyonaryo sa bansa ay maaaring kumita ang gobyerno ng P500-million kada taon.
Dagdag pa ni Africa, katiting lamang sa kikitain ng gobyerno kung ipapasara lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators dahil maliit lamang ang buwis na binabayad nito.