DAGUPAN CITY- Malaking bagay na umano sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang mabawasan ang binabayaran sa remittance fee.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lucy Ortega, Samahan ng mga Domestic Helper sa Gitnang Silangan, aniya, ang kaonting kabawasan sa kanilang binabayaran ay malaking tulong na para masuportahan ang mga naiwang pamilya sa Pilipinas.
Ito ay bunsod sa isinusulong sa Senado ang panukalang batas na magbabawas ng hanggang 50% sa remittance fees ng mga OFW, sa gitna ng patuloy na reklamo hinggil sa mataas na singil at nakatagong bayarin sa pagpapadala ng pera pauwi ng Pilipinas.
Gayunpaman, hiling pa ni Ortega na mas taasan pa ang mababawasang bayarin sa tuwing nagpapadala.
Hindi rin naman lahat ay pare-pareho ang binabayaran at nakadepende ito sa nakabatay na palitan.
Samantala, pabor din si Ortega sa pagpapataw ng multa sa mga hindi susunod sa panukalang batas.










