Dagupan City – Mas pinaigting ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng pagbabawal sa paggamit ng boga ngayong papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa ulat, may mga nakumpiskang boga na ilang araw bago ang mismong pagdiriwang, kasunod ng serye ng inspeksyon at operasyon sa iba’t ibang lugar.
Kabilang sa mga nasasangkot sa mga insidente ang ilang menor de edad, dahilan upang paigtingin pa ang pagbabantay sa mga komunidad.
Bilang tugon, dalawang pulis ang itinalaga sa bawat barangay upang masawata ang ilegal na pagpapaputok at paggamit ng mga mapanganib na kagamitan, kabilang ang boga.
Araw-araw rin ang isinasagawang inspeksyon sa mga itinalagang firecracker zone. Layunin nitong masiguro na sumusunod ang mga tindero sa mga itinakdang patakaran at tanging mga pinapayagang uri ng paputok lamang ang ibinebenta.
Paalala ng mga awtoridad, mahalaga ang kooperasyon ng publiko upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng lahat, lalo na ng mga bata.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa ligtas at responsableng pagdiriwang ng Bagong Taon, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal at delikadong paputok.








