Dagupan City – May malaking epekto sa patuloy na imbestigasyon ng umano’y anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbabalik sa bansa ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, mahalaga ang pagbabalik ni Bonoan dahil ang mga isyung may kinalaman sa kuwestiyonableng pondo ng DPWH ay naganap sa panahong siya ang nanunungkulan bilang kalihim ng ahensya.

Dagdag pa ni Yusingco, si Bonoan ay nagsilbi rin bilang pinuno ng Departamento noong mga panahong nasasaklaw ng mga alegasyon.

--Ads--

Dahil dito, inaasahang maaaring makatulong ang mga dating opisyal sa pagbubuo ng kaso—maaaring bilang mga testigo o bilang mga posibleng kasabwat.

Binigyang-diin ni Yusingco na hindi maikakaila na may sapat na kaalaman ang mga ito sa mga naganap sa loob ng DPWH, partikular sa usapin ng mga flood control projects.

Gayunman, nilinaw ni Yusingco na hindi agad-agad makakakuha ng status bilang state witness ang sinumang sangkot, dahil kinakailangan pa itong dumaan sa masusing proseso at pagsusuri ng mga awtoridad.

Aniya, mahalagang agarang kumilos ang Office of the Ombudsman sa pangangalap ng ebidensya upang hindi masayang ang oras sa imbestigasyon.

Dagdag pa niya, dapat ding gampanan ng Kongreso ang tungkulin nitong magpasa ng mga batas na alinsunod sa mandato ng Konstitusyon upang masiguro na ang pondo ng bayan ay hindi naaabuso at napoprotektahan laban sa korapsyon.

Matatandaang kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakabalik na sa Pilipinas si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan mula sa Taipei, Taiwan.