Inihayag ng Teachers Dignity Coalition na wala naman umanong problema kung ibalik sa tradisyunal na Hunyo hanggang Marso ang pasukan sa mga pampublikong paaralan basta’t suportado ng pamahalaan ang conditioning system, ventelation at maging ang mga school buildings.
Ngunit ayon kay Benjo Basas, ang Chairperson ng nasabing coalition, hindi naman naibibigay ng gobyerno ang buong suporta sa mga nabanggit na aspeto.
Inihalimbawa pa nito ang insidente noong nakaraang taon sa Cabuyao City kung saan maraming mga estudyante ang isinugod sa hospital dahil sa sobrang init ng panahon.
Tinukoy din nito bilang isang mahinang argumento ang ibinigay na dahilan ng Kagawaran ng Edukasyon sa nais nitong pagpapalit ng pagsisimula at pagtatapos ng School Year ang panahon ng tagtuyot at tag-ulan dahil kung maaalala, tumama sa ating bansa ang mga malalakas na bagyo pagkatapos ng buwan ng Hulyo.
Nagkaroon na rin kasi aniya ng ilang panukala noon na gawing Agosto ang pagsisimula ng pasukan na naisakatuparan lamang dahil sa nagdaang pandemya.
Ngayong tapos na ang pandemya, nais aniya ng Department of Education na ibalik sa tradisyunal na kasanayan ang pasukan ng mga estudyante dahil marami sa mga regular na aktibidad at okasyong ginugunita ng Pilipinas ay nagaganap sa mga buwan ng Abril hanggang Mayo gaya na lamang ng Holy Week, na nakakaabala aniya sa klase ng mga mag-aaral.
Dagdag pa ni Basas, ang maximum days sa isang School Year ay nasa 220 araw ngunit ayon sa polisiya, ang itinuturing na non-negotiable days ay nasa 180 days kaya’t ito ang dapat nilang makumpleto sa loob ng isang school year.
Bukod dito, isa na namang malaking adjustment ang kanilang gagawin sakaling maisakatuparan agad ito bagamat wala pang pinal na desisyon at inaasahan pang maisagawa sa taong 2025.