DAGUPAN CITY- Hindi man tutol ang transport sector sa pagbabalik ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa lunes, May 26, subalit hiling nila ang maayos at patas na pagpapatupad nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, Presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), ilan sa kanilang panawagan ay ang ipatawag na lamang sa Land Transportation Office (LTO) ang mahuhuli upang tiyak na maliwanagan sila sa tuwing babayaran ang kanilang multa.

Aniya, hindi kase kagandahan ang kanilang karanasan sa Local Government Unit (LGU) dahil maliban sa hindi sila maliwanagan, may ilan din na hindi natatanggal ang nabayaran nang violation kaya nadodoble ang kanilang bayarin.

--Ads--

Maliban pa riyan, hiling nila na tunay na lumabag sa batas trapiko ang hulihin upang hindi kawawa ang walang kasalanan.

Pinapanawagan pa ni De Luna na mababaan ang kanilang penalty dahil masakit sa kanilang bulsa ang malaking halaga nito.

Ani De Luna, ang mga nabanggit ay ilan sa mga kinaharap nila sa transport sector kaya hinainan nila ito ng temporary restraining order (TRO).

Mahalaga para sa kanila na harapin muna sila sa isang konsultasyon upang mailahad nila ang kanilang daing bago ito ipatupad.