DAGUPAN CITY — Gaano nga ba ka-willing ang China sa pagsunod sa ipinasang proposal sa pag-normalize ng sitwasyon sa West Philippine Sea?
Ito ani Atty. Francis Dominick Abril ang totoong pagsubok sa naging pagbalewala ng Chinese government sa naturang inisyatiba ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kung titingang maigi, hindi naman nakikipag-bully ang Pilipinas sa China at sa halip ay lumalabas pa sa mga video na nakukuha sa mga pangyayari sa West Philippine Sea ay ang Chinese Coast Guard pa ang nangha-harass sa mga tripulante at mga mangingisdang Pilipino.
Saad pa nito na sa ginawang pagbabalewala ng China ay kanilang itinaya ang kaning kredibilidad sa international community dahil makikita sa kanilang mga aksyon ang ginagawa nilang pagtaboy sa Philippine Coast Guard kaugnay sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon, lalong lalo na ang katayuan nito sa territorial dispute na hindi naman nakabase sa international law.
Ani Atty. Abril na kanya namang hinahangaan ang national government sa patulyo na paghahain nito ng diplomatic protest matapos ang makailang ulit na karahasan ng China sa pinagtatalunang karagatan. Subalit malinaw naman aniya na hindi lamang hanggang dito ang ginagawang hakbangin ng Pilipinas sapagkat patung-patong na kaso na ang naihain ng bansa sa international tribunal laban sa China.
Gayunpaman hindi naman nawawala ang mga posibleng banta kung magtutuloy-tuloy ang pag-aangkin ng China sa pinagtatalunang karagatan gaya na lamang ng pagtatatag ng mga artificial islands at pagtatayo dito ng mga paliparan at pabrika na mage-extract ng mga natural oils kung saan mayaman ang West Philippine Sea.
Saad naman nito na bagamat posible ang pagsasampa ng trade sanctions ng China sa Pilipinas kaugnay sa naturang usapin, subalit hindi naman ito magiging praktikal para sa China lalo na’t malaki ang kinikita ng China sa bansa.
Sa halip aniya ay kailangang mapaghandaan ng bansa ang mga isasagot ng China sa mga reklamo nito at gayon na rin ang epekto nito sa political aspect mula sa isang malaki at makapangyarihang bansa gaya ng China.
Samantala, hindi pa naman aniya maituturing na act of war ang ginagawang pangha-harass ng China sa mga tripulante at mangingisdang mga Pilipino subalit maituturing na itong agresyon sa Pilipinas.