Inilarawan ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional law expert at political analyst, bilang isang “extraordinary measure” ang naging hakbang ng Senate Impeachment Court na baguhin ang batayan sa pagkukuwenta ng two-thirds voting threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.

Sa botong 13-1, inaprubahan ng mga senator-judge ang mosyon na ang magiging basehan ay ang mga senador na legal at aktuwal na kwalipikadong lumahok sa paglilitis, sa halip na awtomatikong gamitin ang lahat ng 24 na miyembro ng Senado.

Ayon kay Cera, mahalagang pagtuunan ng pansin ang naging botohan dahil may umiiral na constitutional provision hinggil sa kinakailangang two-thirds vote.

--Ads--

Matatandaang bago ang naturang botohan, tinanggihan muna ng impeachment court ang kahilingan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ipagpaliban ang pagtalakay sa voting threshold. Labintatlong senator-judge ang bumoto laban dito, anim ang pabor, habang nag-abstain si Senator Mark Villar.

Sa sumunod na botohan sa threshold, hindi naman lumahok ang ilang senator-judge, kabilang ang mga miyembro ng minority bloc.

Sa pananaw ni Cera, hindi pa rin masasabi sa ngayon kung paano hahantong ang impeachment trial dahil marami pang ebidensya at argumento ang ilalatag ng magkabilang panig.

Aniya, maaaring magkaroon pa ng mga pagkakataong makapuntos ang defense team ni Vice President Duterte sa kanilang mga argumento kahit may mga ebidensyang inihaharap ang prosecution kaugnay ng mga alegasyon, kabilang ang umano’y ill-gotten wealth.

Binigyang-diin niyang mahaba pa ang maaaring maging proseso dahil hindi pa natatapos ang paglalahad at pagsusuri sa mga alegasyon laban sa Vice President.

Samantala, maaari umanong gamitin ng defense ang mga available na legal remedy upang kuwestiyunin sa Supreme Court ang naging desisyon ng impeachment court.