BOMBO DAGUPAN- Isa umanong “declaration of war” sa administrasyon Marcos Jr. ang maagang pagbaba ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay France Castro, Representative ng Alliance of Concerned Teachers Partylist, maaari kaseng tingin ng bise presidente na wala nang tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaniya at hindi na ito masaya sa gawain bilang kalihim ng edukasyon.
Aniya, ang Unity umano ng UniTeam ay hanggang sa eleksyon lamang at sa kasalukuyan ay nawawala na ito.
Gayunpaman, binigyan linaw naman umano ng bise presidente na bumaba ito para ipakita ang pagmamalasakit niya sa hanay ng edukasyon.
Ani Castro, positibo sila sa pagbaba nito dahil simula pa lamang ay hindi na ito competent dahil wala naman itong karanasan sa larangan ng edukasyon.
Naitalaga lamang ito sa nasabing pwesto dahil political accommodation.
Naniniwala naman siya na hindi makakaapekto sa edukasyon ang pagbaba nito dahil wala namann aniyang nagbago nang umupo ito bilang kalihim.
Samantala, ipinanawagan naman ni Castro sa pangulo na sa pagkakataon ito ay piliin na ang nararapat sa pwesto.
Dapat aniya ay may matibay itong bitbit na solusyon sa problemang kinakaharap sa sektor ng edukasyon, partikular na sa mababang sahod ng mga guro.
Kailangan din aniyang may malinaw itong katayuan sa curriculum na hanggang sa ngayon ay nagiging usapin pa din.
At maging competent ito katulad ng ibang naitalagang kalihim ng edukasyon sa ibang bansa.