DAGUPAN CITY- Nagbigay si Former Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ng kanyang mga plano at prayoridad sakaling siya ay muling maluklok sa pwesto.

Ayon sa kanya, pangunahing layunin niyang magpatupad ng mga hakbang upang mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa. Isa sa mga mungkahi niya ang pagtanggal ng buwis sa mga produktong petrolyo na ginagamit sa paggawa ng kuryente, na inaasahang magdudulot ng malaking kabawasan sa gastos ng kuryente.

Dagdag pa ni Abalos, ang pagbaba ng presyo ng kuryente ay maaaring maghikayat ng pagdami ng mga pabrika, na magreresulta sa pagdami ng mga trabaho at magpapagaan sa kalagayan ng bawat pamilya.

--Ads--

Binanggit din niya ang pangangailangan ng pagtutok sa Land Use Plan upang matiyak na ang mga taniman ay hindi mapapalitan ng mga subdivision, na maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay ng mga produktong agrikultural at magtulak sa bansa na mag-import ng mga ito.

Isa pang prayoridad ni Abalos ang pagsusuri at posibleng pagbabago sa Local Government Code upang mapabuti ang mga polisiya at sistema ng pamamahala sa lokal na antas.

Bilang karagdagan, tinalakay niya ang kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa mga commercial fishing boats sa loob ng 15-kilometro mula sa coast line ng municipal waters. Ang hakbang na ito aniya ay ikinabahala ng mga lokal na mangingisda at mga fisherfolk organizations, na nag-aalala na maaaring mawalan sila ng kabuhayan at magdulot ng pagbaba ng produksyon ng isda sa mga lugar na ito.