Dagupan City – Binatikos ng isang legal at political consultant ang panukalang batas na nagpapababa sa edad ng criminal liability mula 15 taong gulang tungong 10 taong gulang, sa gitna ng muling pagbubukas ng diskusyon sa Senado kaugnay ng Juvenile Justice and Welfare Act.

Ayon kay Atty. Francis Abril, isang abogado at consultant, nakasaad sa kasalukuyang batas na ang mga batang may edad 15 pababa ay hindi maaaring panagutin sa mga kasong kriminal.

Kung titingnan kasi aniya, hindi pa buo ang kanilang emosyonal at mental na maturity kaya’t hindi pa sila ganap na responsable sa kanilang mga kilos.

--Ads--

Ipinunto rin ni Abril na ang panukalang inihain ni Senador Robin Padilla na layong ibaba ang criminal liability age sa 10 taong gulang.

Para kay Abril, maraming batang nasasangkot sa krimen ang kulang sa wastong paggabay, batay sa datos mula sa Statistica.

Aniya, dapat bigyang-pansin ang ugat ng problema — ang kawalan ng tamang suporta at gabay sa mga kabataan.

Dito na niya binigyang diin na hindi sapat ang pagsisiyasat at walang malinaw na ebidensya na bababa ang antas ng krimen kung ibababa ang edad ng criminal liability.

Dagdag pa niya, hindi makatao na agad isama sa mga detention facility ang mga bata, lalo’t may pagkakataon pa silang itama ang kanilang landas sa pamamagitan ng rehabilitasyon at suporta mula sa lipunan.

Sa kabila ng mga panawagan para sa mas mahigpit na batas, naninindigan si Atty. Abril na dapat munang magsagawa ng masusing pag-aaral at konsultasyon bago isulong ang ganitong sensitibong panukala na may direktang epekto sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.