Inasahan na ang pagbaba ng bilang ng mga turistang bumisita sa Alaminos City, na tahanan ng Hundred Islands National Park. Ayon kay Miguel “Mike” Sison, Tourism Officer ng lungsod, ito ay kaugnay ng kasalukuyang krisis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa pinakahuling tala, umabot sa 16,074 ang tourist arrivals, mas mababa kumpara sa 20,916 na naitala noong nakaraang taon sa loob ng tatlong araw ng Semana Santa.

Sa kita naman, tinatayang nasa P1.9 milyon ang nakolekta sa nakaraang tatlong araw ngayong taon—mas mababa kaysa sa P2,192,254 noong nakaraang taon.

--Ads--

Apektado rin ang mga lokal na negosyo sa lungsod, kung saan tumaas ang bayarin sa mga bangka. Itinigil din ang drop-and-pick system at pinalitan ng regular na boat service upang makatulong sa kita ng mga operator at drayber.

Sa kabila nito, nananatiling positibo si Sison na tataas muli ang bilang ng mga turista sa mga susunod na buwan dahil patuloy pa ang panahon ng tag-init.