DAGUPAN CITY- Nilinaw ng PAGASA Dagupan na hindi umabot sa 52°C ang heat index sa lungsod kamakailan, taliwas sa mga naunang ulat.
Ayon kay Jun Soriano, isang weather observer ng DOST-PAGASA Dagupan, nagkaroon ng problema sa isa sa kanilang mga instrumentong ginagamit sa pagtatala ng temperatura at humidity.
Aniya, nagka-aberya sa kanilang thermometer na nasa loob ng shelter kung saan kinukuha ang tamang datos para sa humidity na isang mahalagang salik sa pagkalkula ng heat index.
Inihayag niya na nagkaroon ng pagkakamali sa pagbasa dahil sa teknikal na probolema, ngunit agad naman itong naaksyunan.
Dagdag pa niya, agad din nilang inabisuhan ang kanilang Central Office at ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) hinggil sa naturang insidente.
Matapos maayos ang instrumento, muling kinumpirma ng PAGASA na ang totoong naitalang heat index ay nasa 43°C lamang, mas mababa sa naunang naiulat na 52°C.
Bagamat mas mababa ang aktwal na reading, iginiit ng PAGASA Dagupan na nananatiling mataas ang banta ng matinding init, lalo’t nasa kasagsagan pa rin ng dry season ang bansa.
Sa mga nakalipas na araw, umabot na rin sa 42°C hanggang 51°C ang heat index sa syudad ng Dagupan na kung saan ay pasok ito sa danger level.
Nagpaalala ang PAGASA sa publiko na manatiling alerto at umiwas sa matagal na pagkababad sa ilalim ng araw, lalo na tuwing tanghaling tapat.
Pinayuhan din ang lahat na uminom ng maraming tubig, magsuot ng magagaan at preskong damit, at agad kumonsulta sakaling makaranas ng sintomas ng heat exhaustion o heat stroke.
Kasalukuyang maayos na ang lahat ng kagamitan ng PAGASA-Dagupan at patuloy ang kanilang pagbabantay sa lagay ng panahon upang makapagbigay ng tama at napapanahong impormasyon sa publiko.