Dagupan City – Nagpaalala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Dagupan tungkol sa banta ng localized thunderstorms o biglaang pagkulog at pagkidlat kahit pa umiiral ang mainit na temperatura.

Ayon sa weather bulletin ng ahensya nitong Linggo, patuloy na nakaaapekto ang Easterlies o ang mainit at mahalumigmig na hangin mula sa karagatan sa malaking bahagi ng bansa.

Dahil dito, inaasahang magkakaroon ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa iba’t ibang lugar.

--Ads--

Binigyang-diin na may panganib na maidulot ito lalo na sa mga taong nasa open areas o walang masisilungan, kaya mahalagang maging alerto at mabilis kumilos kapag naramdaman na ang pagbabago ng panahon.

Dahil sa posibleng biglaan at lakas ng ulan, at sinabayan ng maalinsangan na temperatura pinapayuhan sa banta ng sakit na dulot nito.

Pinapaalalahanan din ang lahat na agad lumikas sa ligtas na lugar at iwasan ang pagtayo sa ilalim ng puno o matataas na istruktura kapag may kasamang kidlat at kulog ang panahong mararanasan.