DAGUPAN CITY- Ibinahagi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Dagupan City sa publiko ang tungkol sa maarinf posibleng pagpasok ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong buwan.

Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr. bagamat posibleng walang bagyo o isa lamang ang maranasan sa mga buwan ng Enero hanggang Abril, inaasahang tataas ang posibilidad sa Mayo at Hunyo.

Nakadepende aniya ito sa bilis ng pagbabago ng weather system kung saan tatahak o mabubuo ang bagyo.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Engr. Estrada na normal umanong nabubuo ang mga bagyo sa East Pacific, ngunit sa kasalukuyan, wala pang nakikitang anumang weather event na nabubuo sa nasabing rehiyon o maging sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Binanggit din ng PAGASA ang kanilang inilabas na bagong listahan ng pangalan ng bagyo gaya ng Bagyong Ada, Basyang, Caloy, Domeng, Ester, Francisco, Gardo, Henry, Inday, Josie, Kiyapo, Luis, Maymay, Neneng, Obet, Pilandok, Queenie, Rosal, Samuel, Tomas, Umberto, Venus, Waldo, Yayang, at Zeny.

Ang mga pangalang Ada, Francisco, Kiyapo, at Pilandok ay pumalit sa mga pangalang inalis dahil sa matinding pinsalang idinulot noong 2022.

Ayon pa sa PAGASA, ang mga bagyong nagdudulot ng malaking pinsala ay karaniwang tinatanggal sa talaan.

Sa kanilang pagtutok noong nakaraang taong 2025, kabilang sa mga bagyong nagdulot ng pinsala sa Pangasinan ay si Bagyong “Uwan,” na nagdala ng malakas na hangin at kaunting ulan, at si Bagyong “Emong,” na nagdulot naman ng mas maraming ulan at malaking pinsala sa kanlurang bahagi ng lalawigan dahil sa pagkabuo nito sa West Philippine Sea.

Kaugnay nito, sa kanilang assessment ng pumasok na bagyo sa bansa, mas maraming bagyo ang naranasan sa bansa noong 2025, na may 21, kung saan ang pinakahuli ay si Bagyong Uwan, kumpara noong 2024 na nasa 17 lamang na ang pinakahuli ay si Bagyong Querubin, ngunit mas malalakas ang mga bagyo noong 2024.