BOMBO DAGUPAN- Nagiging pangunahing lenggwahe na ng ibang bata sa Pilipinas ang lenggwaheng Ingles dahil sa pagkatutok ng mga ito sa teknolohiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Jose Evie Duclay, Linguistic Specialist ng Komisyon sa Wikang Filipino, normal na lamang ito lalo na sa makabagong henerasyon at magandang bagay din sa mga ito na matuto ng ibang wika.
Gayunpaman, idiniin niya na dapat itinataguyod pa din ng mga magulang ang pagkatuto ng kanilang anak sa wikang atin lalo na ang mga katutubong wika.
Sa pamamaraang ito, mapapapanatili pa ang iba’t ibang salita sa bansa na siyang unti-unti na din naglalaho.
Subalit sinabi din ni Duclay na malaking naiambag ng teknolohiya sa pagpapayabong pa ng wikang Filipino.
Pinapadali din nito ang pagbatid ng mga impormasyon para ipagpaalam ang mga maaaring salihan ng bawat isa sa mga itinakdang aktibidad sa buwan na ito.
Maliban diyan, hindi lamang sa Pilipinas pinag-aaralan ang Filipino kundi sa ibang bansa din. Dahil dito, lalong lumalawak ang paggamit ng ating wika.
Dagdag ni Duclay, gampanin ng mga Pilipino na mapanatili ang wika na mayroon sa ating bansa.