DAGUPAN CITY- Binigyang-diin ni Elaine Estrada, Presidente ng Dagupan Autism Society Incorporated (DASI), ang kahalagahan ng mas malawak na kaalaman at pag-unawa ng publiko hinggil sa autism, matapos ang kumalat na video ng isang lalaking hinihinalang may autism na sinaktan sa loob ng pampasaherong bus.
Ayon kay Estrada, ang mga taong nasa autism spectrum ay kadalasang nakararanas ng sensory issues, kung saan ang matinding ingay o di-inaasahang pisikal na kontak ay maaaring magdulot ng labis na stress o meltdown.
Paliwanag niya, ang ganitong mga reaksiyon ay hindi palatandaan ng karahasan kundi bunga ng kanilang kalagayan.
Sa pananaw ng DASI, hindi dapat agad pagbintangan o sisihin ang sinuman sa ganitong mga insidente.
Dagdag pa ni Estrada, hindi naging malinaw sa publiko na ang lalaking nasangkot sa insidente ay may autism, kaya hindi rin agad naintindihan ng mga pasahero ang kanyang kalagayan.
Hinimok din niya ang mga magulang o tagapag-alaga ng mga may autism na maging bukas sa pagbibigay ng impormasyon sa kanilang kapwa pasahero o konduktor, upang makapaghanda ang mga ito at maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.