DAGUPAN CITY- Papatapos na ang nararanasang pag-oversupply ng mangga sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mario Garcia, presidente ng Pangasinan Mango Growers Association, tumataas na muli ang presyo ng mangga kung saan ang dating P10-P15 farm gate price ay nasa P20-P25 na.
Gayunpaman, kailangan aniyang hindi na ito bumaba pa at kung maaari ay itaas pa upang tuluyan nang makabawi ang mga magsasaka sa nakaraang mga ginastos.
Sinabi din ni Garcia, unti-unti nang nakakabawi ang mga magsasaka dahil umabot sa pagtaas ng presyo ang huling mga harvest.
Hindi na rin tulad ng nakaraan, wala nang nakakaranas ng pagkasira at pagbulok ng mga naaning mangga dahil nagbukas na din ang mga planta.
Samantala, magtatapos na ang season ng pagmamangga sa Hunyo 15. Magsisimula naman sa Agosto-September ang off-season at inaasahan ang pagharvest sa Disyembre at Enero dahil sa panahong ito kumikita ang mga magsasaka.
Sinabi din ni Garcia, maliban sa mangga, nagsasaka din sila upang mayroon pa aniya silang “back-up” na pinagkakakitaan tuwing nagtatapos ang season ng pagmamangga.