Suspetya ni Sen. Risa Hontiveros na may mga government official na tumulong kay POGO “big boss” Lin Xuhan o mas kilalang Lyu Dong, sa pagtatayo ng kaniyang network sa Pilipinas.
Bagaman ang pagkakaaresto kay Xuhan ay isang malaking tagumpay ngunit kailangan pa rin aniyang manatiling vigilant ang mga otoridad.
Giit ni Hontiveros, marami ang in-operate na POGO Hub ni Lyu Dong at hindi ito magagawa nang walang tulong mula sa kawani ng gobyerno. Umaasa din siya na matutukoy nila ang mga Pilipino na tumulong sa POGO “big boss”.
Dagdag pa niya na may malalaki pang mga boss na dapat mahuli at panagutin sa kanilang krimen.
Pinuri naman ni Sen. Joel Villanueva ang pagsisikap ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pagtuligsa sa POGO sa bansa.
Gayunpaman, hindi pa aniya tapos ang kanilang trabaho dahil kinakailangan ng pagtaas sa budget at manpower ng PAOCC upang tuluyang mapalayas ang mga POGO sa bansa.