Maraming magsasaka ang hindi nakinabang sa nakaraang pag-aani dahil karamihan ng palay at bigas ay hawak na ng mga trader bago pa man ito maipamahagi sa merkado sa kabila ng pag-extend ng import ban hanggang buwan ng disyembre.

Ayon kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, sa kasamaang-palad, natapos na ang pag-aani ng karamihan, kaya kakaunti na lamang ang makikinabang kahit tumaas ang presyo ng bigas.

Dagdag pa niya, wala nang aasahan ang mga magsasaka kundi ang pangako ng pamahalaan na magbibigay ng P10,000 ngayong taon.

--Ads--

Binigyang-diin ni Cabatbat na may positibong epekto ang umiiral sa importation ban dahil hindi sobra-sobra ang papasok na bigas sa bansa, na nakatulong upang hindi bumagsak ang presyo sa merkado.

Naniniwala siya na kung i-eextend ang ban hanggang Hulyo ng susunod na taon, magkakaroon ng pagkakataon ang mga magsasaka na makabawi at magplano para sa susunod na taniman.

Gayunpaman, mahalagang isaalang-alang ang kapakanan ng mga magsasaka nang hindi naaapektuhan ang mga mamimili.

Saad pa niya, mas mahalaga ngayon ang pantay na presyo, lalo na sa gitna ng mga epekto ng nakaraang mga bagyo.