Mistulang naging “very reactive” ang naging hakbang ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC nang ipagbawal o i-block nito ang Discord, na kalaunan ay agad ding inalis, ayon kay cybersecurity specialist Tzar Umang
Nagkaroon ng “successful negotiations” sa pagitan ng gobyerno at Discord. Kabilang sa mga commitment ng Discord ang pagpapalakas ng online child safety at pakikipagtulungan sa Philippine authorities.
Ayon kay Umang, mas mainam sanang nagsagawa muna ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad bago ipatupad ang ban sa nasabing platform.
Para kay Umang, mahalagang matiyak na ang mga hakbang laban sa cyber threats ay nakabatay sa sapat na imbestigasyon at hindi lamang sa agarang pag-block ng isang platform na ginagamit na rin ng maraming Pilipino para sa trabaho, edukasyon at komunikasyon.
Aniya, maraming tao ang nabahala nang biglang ma-block ang Discord dahil hindi lamang ito ginagamit para sa gaming. Marami na ring indibidwal at organisasyon ang umaasa sa platform para sa trabaho, komunikasyon at iba pang professional activities.
Ang Discord ay isang online communication platform na nag-aalok ng text messaging, voice at video calls, at online communities.
Ayon kay Umang, orihinal na nilikha ang Discord para sa gaming community. Dito nagkakausap at nakakapag-coordinate ang mga gamers habang naglalaro.
Ngunit dahil sa mga feature nito, lumawak na ang paggamit ng platform. Ginagamit na rin ito ng mga content creator, freelancers at iba pang kumukuha o nagbibigay ng trabaho online.
Inilarawan ni Umang ang Discord bilang isang powerful at madaling gamitin na platform, lalo na dahil marami sa mga pangunahing feature nito ay maaaring gamitin nang walang bayad.
Ginagamit din umano ito ng ilang kumpanya, partikular ng mga developer, bilang bahagi ng kanilang communication at collaboration tools.
May mga guro rin umanong gumagamit ng Discord upang mas madaling makipag-ugnayan sa kanilang mga estudyante.
Ayon pa kay Umang, ginagamit din ang Discord ng ilang grupo at organisasyon para sa crime prevention at iba pang community activities, habang mayroon ding mga Pilipinong nagtatrabaho bilang chat moderators sa platform.
Samantala, may payo si Umang sa mga magulang kaugnay ng online safety ng mga bata.
Aniya, malaki ang papel ng mga magulang sa pagprotekta sa kanilang mga anak. Mahalaga umanong malaman ng mga magulang kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak online at, higit sa lahat, ay pakinggan ang kanilang mga hinaing at problema.
Ayon kay Umang, makatutulong ang maayos na komunikasyon sa pamilya upang hindi mapilitang maghanap ng kalinga o pakikinig ang mga bata sa cyberspace mula sa mga taong hindi nila tunay na kakilala.
Layunin nito, aniya, na mabawasan ang panganib ng online exploitation, grooming, radicalization at iba pang maaaring humantong sa karahasan.










