DAGUPAN CITY- Isang desperadong pagtatangka para mapigilan ang anumang legislated wage increase.
Ito ang naging pahayag ni Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, kaugnay sa resolusyon ng Department of Labor and Employment para atasan ang regional wage boards na magsagawa ng pag-aaral sa minimum wages sa bansa.
Sinabi niya sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, maaari din itong pagtatangka ng wage boards na sabihing nauugnay pa din sila.
Paulit-ulit na din kaseng pinag uusapan sa senado ang napapanahong taas-sahod, gayunpaman, barya lamang ang ibinibigay ng wage boards.
Ani Cainglet, pwede naman pagbatayan ng pagtaas ng sahod ang nakaraang naitalang inflation dahil hindi naman na talaga sumasapat ang kinikita ng mga manggagawa.
Subalit, kahit pa ganoon ay pinalagpas pa ng wage boards ang higit isang taon bago magtaas ng sahod.
Pampahupa lang din umano ng damdamin ng mga manggagawa ang bawat pagpapapatawag na hearing at upang makalimutan din ang panawagan ng legislated wage hike.