Hindi dadaanin sa gulatan ng International Criminal Court (ICC) ang pag aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, sinabi nito na magkakaroon ng pormal na proseso kung saan kapag naisyu na ang warrant of arrest ay susulat agad sa Interpol at hihilingin ang pag serve ng warrant.
Hindi rin umano basta basta ang pagpasok sa bansa ng Interpol dahil magkakaroon din ng formal procedure kung saan lalapit muna sa Philippine National Police o National Bureau of Investigation.
Naniniwala si Yusingco na alam na rin ng pulisya ang gagawing taktika sa pag aresto kay Duterte kung sakali base sa naging karanasan sa pag aresto noon kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Napatunayan aniya noong inaresto ang pastor na hindi puwedeng ilang pulis lang ang umaresto at kailangan ng kalakasan ng isang grupo.
Obligado rin aniya ang gobyerno na makipag cooperate sa interpol na siyang mag execute ng warrant para sa agarang pag aresto.
Una ng sinabi ng Palasyo ng Malacanang na handa silang makipag-koordinasyon sa interpol sakaling lumabas ang warrant of arrest laban sa dating pangulo.