Dagupan City – Ikinatuwa ng National Auditor ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas at Association of Barangay Captain President ng Dagupan City ang pag-apruba ng Senado sa panukalang batas na nagpapahaba sa termino ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials sa apat na taon.
Matatandaan na noong Martes, Enero 14, 2025 nakalusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill 2816, o ang “Proposed Act Setting the Term of Office of Barangay Officials and Members of the Sangguniang Kabataan.”
Nakakuha ito ng 22 boto pabor, walang tumutol, at walang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang lahat ng halal na barangay at SK officials ay magkakaroon ng apat na taong termino.
Hindi papayagan ang isang elective barangay official na magsilbi ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon.
Itatakda naman ang susunod na barangay at SK elections sa unang Lunes ng Oktubre 2027 at gagawin kada apat na taon matapos nito.
Sisimulan ng mga halal na opisyal ang kanilang termino sa unang araw ng Nobyembre matapos ang halalan.
Samantala, ang mga kasalukuyang barangay at SK officials ay mananatili sa kanilang pwesto hanggang sa mahalal ang kanilang mga kapalit sa Oktubre 2027.
Ayon kay Coun. Marcelino “Kap. Lino” Fernandez, isa ito sa mga isinulong ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas upang madagdagan ang kanilang termino para sa kanilang panunungkulan.
Aniya, kulang ang dalawang taong termino para sa pagpapatupad ng mga programa sa kanilang nasasakupan.
Napakahirap aniya ng kanilang trabaho dahil sila ang responsable sa pagpapatupad ng mga batas at ordinansa galing sa national at munisipal o syudad, pati na rin sa mga proyekto sa imprastraktura, kalusugan, waste management at iba pa.
Nagpapasalamat naman ito sa pag-apruba ng Senado, ngunit kailangan pa itong dumaan sa Kamara.
Inaasahan niyang maaprubahan din ito sa Kongreso, kahit na mayroong magkaibang bersyon ang Senado (4 years, 3 terms) at Kamara (6 years, 2 terms).
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang pagganap ng tungkulin ng mga kapitan para sa pag-unlad ng kanilang barangay.
Nanawagan siya sa kanyang mga kapwa kapitan na kapag naisabatas na ito ay dapat isagawang mabuti ang kanilang mandato at magbigay ng maayos na serbisyo publiko para sa kapakanan ng kanilang kabarangay.