DAGUPAN CITY — “Maaaring mag-apply para sa Plea Bargaining.”
Ito ang ipinaliwanag ni Atty. Joseph Emmanuel Cera sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay sa mga paglilitis sa mga akusadong sangkot sa paggamit sa ilegal na droga, kaugnay naman ng pagkaka-abswelto ng panganay na anak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na si Juanito Jose Remulla, III.
Ani Cera na dahil karamihan sa mga detention prisoners sa BJMP sa Bonuan ay sangkot sa ilegal na droga, kung minsan ay nahihirapan ang husgado na sumunod sa direktiba na speedy trial act dahil na rin sa napakaraming kasong may kaugnayan sa droga.
Dahil dito, karamihan sa mga akusado ay humihingi na lamang ng Plea Bargaining kung saan ang counsel ng nasasakdal ay ini-inform ang hukom at prosecution na maga-apply sila ng Plea Bargaining, kung saan ang kampo ng nasasakdal at ng tagausig ay nagkakasundo upang bigyang-daan ang akusado na umamin sa pagkakasala sa mas mababang pakakasala upang maiwasan ang mahabang panahon ng pagkakakulong o para sa mas mababang sentensiya.
Kung papayag naman ang hukuman ay idi-dissolve an orihinal na kaso ng akusado at sesentensiyahan ito ng mas mababang kaparusahan at magbibigay naman sa akusado na makapag-apply para sa probation.
Bagamat suspendido naman ang sentensiya ng isang akusado, maaari pa rin itong ipasailalim ng drug rehabilitation. At kung matagumpay naman nitong makukumpleto ang rehabilitation sa loob ng anim na buwan ay pwede na itong maalaya at hindi na ito makukulong pa.
Gayunpaman, dahil sa dinami-rami ng drug cases ay mahihirapan ang husgado na magkaroon nf paglilitis sa loob ng dalawa’t kalahating buwan, at lalong mahihirapan sila sa paghahain ng desisyon sa loob ng 15 araw sapagkat hindi lamang drug cases ang hinahawakan ng hukuman subalit iba’t iba ring criminal cases, at iba ring mga civil cases.