Dagupan City – Itinuturing ni Constitutionalist at Political Analyst Atty. Joseph Emmanuel Cera na isang matibay na circumstantial evidence ang mga naging pag-amin ni dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Michael Wesley Poa sa ika-21 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cera, kapansin-pansin sa mga naging paglilitis ang kani-kanilang talking points ng prosecution at defense, gayundin ang matinding palitan sa pagtatanong kay Poa.
Binigyang-diin ni Cera ang naging performance ni private prosecutor Benjamin Tolosa Jr., gayundin ang pagkontra ni Defense Atty. Sheila Sison sa ilang bahagi ng pagtatanong sa dating DepEd official.
Sa pagdinig, sinabi ni Poa na naalala niyang sinabi ng ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila alam na ang mga sertipikasyong kanilang inilabas ay gagamitin kalaunan kaugnay ng liquidation ng confidential funds ng DepEd.
Naalala rin umano ni Poa na ipinaliwanag ng isa o dalawang opisyal ng militar na ang naturang mga sertipikasyon ay karaniwang ibinibigay sa mga ahensiyang lumalahok sa Youth Leadership Summits (YLS).
Samantala, pinakumpirma ni Tolosa kay Poa na walang confidential funds mula sa DepEd ang ibinigay sa AFP para sa YLS.
Para kay Cera, mahalaga ang puntong ito dahil lumilitaw umanong nauna ang paggamit ng pera bago ito binigyan ng kaukulang justification bilang confidential fund expenditure.
Gayunman, nilinaw ni Cera na wala pang direktang punto sa mga naging pahayag na si Vice President Sara Duterte mismo ang personal na gumastos ng pera para sa sariling kapakinabangan.
Sa halip, sinabi niyang ang mga pangyayari ay maaaring magsilbing circumstantial evidence na nagtuturo sa umano’y papel ng bise presidente bilang pangunahing responsable o nasa posisyon ng pangangasiwa sa paggamit at pagdisburse ng confidential funds.
Aniya, makikita rin umano sa mga dokumento ang mga lagda at kautusang maaaring mag-ugnay sa proseso ng paggamit at paglalabas ng pondo.
Sa ganitong konteksto, sinabi ni Cera na maaaring lumitaw na ang mga nasa ilalim ng chain of command ay sumusunod lamang sa utos ng nakatataas na opisyal.
Binigyang-pansin din ni Cera ang isyu ng YLS at ang tinawag niyang cognitive dissonance sa mga naging pahayag kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Poa, walang confidential funds ng DepEd ang ibinigay sa AFP para sa mga YLS.
Dahil dito, sinabi ni Cera na hindi na umano kinailangang i-cross-examine pa ang mga opisyal ng Army na sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio.
Una nang sinabi ng dalawang opisyal na ang YLS ay regular na aktibidad ng militar at walang confidential funds mula sa DepEd ang natanggap ng kanilang mga yunit para rito. Gayunman, naglabas umano sila ng mga sertipikasyong nagpapatunay na isinagawa ang naturang mga aktibidad.
Para kay Cera, mahalaga ang mga pahayag na ito dahil hindi na umano maaaring baguhin ng mga opisyal ang kanilang naunang mga pahayag at dokumentasyon.
Samantala, pinuna rin ni Cera ang naging pagganap ng mga senador na nagsisilbing impeachment judges.
Aniya, may mga pagkakataong tila mas nakatuon ang ilan sa pagpapakita ng kanilang posisyon sa publiko kaysa sa mismong mga isyung inilalatag sa paglilitis.
Umaasa naman si Cera na matatapos ang impeachment proceedings bago matapos ang taon, kabilang ang paglalahad at pagsusuri sa lahat ng kinakailangang ebidensya.










