DAGUPAN CITY- Hindi naniniwala si Robert Mendoza, National Coordinator, Alliance of Health Worker, sa pag-amin ni Health Secretary Ted Herbosa na wala siyang alam kung saan napunta ang malaking bahagi ng ₱89.9 bilyong pondo ng PhilHealth na ibinalik sa National Treasury noong 2024.
Ayon sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, napag-alaman naman na ang P60 billion ay nai-remit na sa National Treasury habang ang P27.45 billion naman ay inilaan sa health emergency allowance ng health workers.
Habang ang P10 billion ay napunta sa medical assistance ng mga pasyente at sa procurement ng medical equipment ang P4.10 billion.
At ang P3.37 billion ay inilaan naman sa pagpapatayo ng tatlong health facilities ng Department of Health (DOH).
Habang ang natitirang pondo ay inilaan pa sa iba pang mga proyekto.
Nais naman ipaimbestiga ni Mendoza ang mga nawawalang pondo ng DOH na inilaan sa mga hindi natapos na imprastraktura.
Aniya, sa loob ng 42,000 barangays ay tanging 23,000 lamang ang nabigyan ng Health Centers.
Nakikita naman niya na ikalulugi lamang ng ahensya ang No Balance Billing dahil sa maliit na pondo nito.
Samantala, hindi naman dama ng Alliance of Health Workers ang Universal Health Care (UHC) dahil malaki pa rin ang ginagastos ng mga ordinaryong mamamayan.
Umaasa si Mendoza na sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Supreme Court ay maibalik ang pondo ng PhilHealth.
Nananawagan naman siya na maging transparent ang DOH sa pamimigay ng Health Emergency Allowance (HEA) ng mga Health Workers upang maiwasan ang kurapsyon.
Giit pa niya, mahalagang maiangat ang pondo para sa health programs dahil sa kasalukuyan ay hindi ito sapat at pinaghahati-hatian pa ng mga ospital.