DAGUPAN CITY- Ibang-iba ang kagawian ng mga Japanese sa pag-aalala sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay kumpara sa nakasanayan na ng mga Pilipino.
Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, hindi lamang isang beses sa isang taon ang ginagawang pagbisita sa puntod ng namayapang kaanak.
Aniya, isinasagawa sa tuwing March 21 ang pinakaunang pagbisita ng mga karamihang Japanese sa sementeryo kung saan nakahimlay ang puntod ng kanilang mga ninuno o kaanak.
Kasunod naman nito ang paggunita ng Obon Festival, isang tradisyunal na Buddhist holiday, tuwing kalagitnaan ng buwan ng August.
At ilan beses pa aniya ang kanilang pagpunta sa sementeryo dahil kultura na sa Japan na maging ang ninuno ay inaalala ang pagkamatay.
Marami naman ang mga aktibidad na isinasagawa sa tuwing kapistahan ng patay sa Japan.
Katulad na lamang ng pagpapaliwanag ng mga lanterns sa kailugan na nangangahulugang paggabay sa espiritu ng mayamapang mahal sa buhay patungo sa kanilang bahay.
Ang pagpapalipad naman ng paper lanters ay pamamaalam naman sa espiritu ng namayapang kaanak.
Sa pagpunta naman ng sementeryo, di tulad sa Pilipinas, paglinis sa puntod at paglagay ng bulaklak sa puntod ang karaniwang ginagawa.
Gayunpaman, hindi ito pangkaraniwang paglilinis lamang dahil may seremonya itong sinusundan.
Samantala, ibinahagi naman ni Galvez na labis din ang paghahanda ng mga Japanese sa libing ng kanilang namayapang mahal sa buhay kung saan ay hindi rin biro ang gastusin.










