Dagupan City – Tinawag na “risky” ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law Expert at Political Analyst, ang pag-akyat sa Supreme Court ng usapin hinggil sa pagbaba ng voting threshold para sa conviction sa impeachment trial.

Ayon kay Cera, maaaring kuwestiyunin ang desisyon ng majority na ibaba ang kinakailangang two-thirds vote para sa conviction, ngunit aniya, delikado para sa Supreme Court na makialam sa desisyong ginawa ng Senate Impeachment Court.

Ipinaliwanag ni Cera na ang naging basehan ng Senate Impeachment Court ay ang bilang ng mga senador na legal at aktuwal na kwalipikadong lumahok sa paglilitis, sa halip na awtomatikong gamitin ang kabuuang 24 na miyembro ng Senado.

--Ads--

Sa botong 13-1, inaprubahan ng mga senator-judge ang mosyon na ang mga aktuwal at legal na kalahok sa impeachment proceedings ang magiging batayan sa pagtukoy ng voting threshold.

Dahil dito, lumitaw din ang diskusyon kung maaari bang madagdagan ang kinakailangang boto, kabilang ang usapin sa pag-abot sa 14 na boto, kung saan maaaring kailanganin ang suporta mula sa minority bloc.

Nauna nang nilinaw ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang naturang ruling ay “pro hac vice,” o para lamang sa kasalukuyang impeachment trial, at hindi dapat ituring na precedent para sa mga susunod na impeachment case.

Ilang senador ang hindi nakalahok sa paglilitis, kabilang sina Senators Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta at Ronald “Bato” dela Rosa. Hindi rin nakadalo sa impeachment court si Senator Loren Legarda dahil sa medical leave.

Ayon kay Cera, praktikal ang pagbaba mula sa 16 na boto dahil kung isasama sa computation ang mga senador na hindi aktuwal na nakikilahok sa proceedings, maaari itong magbukas ng usapin sa accountability.

Dagdag pa niya, kung papalitan o kokontrahin ng Supreme Court ang naging desisyon ng Senate Impeachment Court, maaaring magkaroon ng tanong kung hanggang saan maaaring panghimasukan ng Korte Suprema ang mga desisyong saklaw ng impeachment proceedings ng Senado.