Dagupan City – Nasamsam ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang aabot sa ₱70.4 milyon halaga ng ilegal na droga sa loob ng isang buwang pinaigting na operasyon noong Disyembre ng nakaraang taon kasunod ng sunod-sunod na anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bahagi ng Rehiyon 1.
Batay sa ulat, nagsagawa ang PRO 1 ng 127 operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng 126 indibidwal na sangkot sa naturang ilegal na gawain.
Sa mga operasyong ito, nakumpiska ang 796 gramo ng shabu, 525.58 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 323,350 piraso ng marijuana plants, at 8,000 marijuana seedlings.
Bahagi rin ng kampanya ang matagumpay na pagbuwag sa 57 plantasyon ng marijuana na may kabuuang sukat na 64,576 metro kuwadrado sa mga liblib na barangay ng Iocos Sur.
Sa nasabing operasyon, 283,400 fully grown marijuana plants at 8,000 seedlings ang winasak, na may tinatayang standard drug price na ₱57 milyon.
Ayon sa PRO 1, ang mga operasyong ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad at ilegal na droga, alinsunod sa direktiba ng pambansang pamunuan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.










