DAGUPAN CITY- Ipapanawagan muli ng mga transport group sa isasagawang hearing sa lunes ang P5 sa pamasahe sa buong bansa upang makasabay ang kanilang sektor sa pagtaas ng mga bilihin at presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, ang Presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), kung tutuusin ay karagdagang P3 lamang ito bilang karagdagan sa naunang P2 at upang mabuo ang hinihiling nilang P5.
Aniya, wala na silang kinilita sa piso-pisong pagtaas ng pamasahe dahil hindi naman ito nakakasabay sa pagtaas ng mga bilihin at krudo.
Kung pagbabasehan naman ang kinikita sa boundaries ng mga drivers ay halos kalahati lamang ang nakukuha ng mga operators.
Dagdag pa niya, kung hindi man payagan ang P3 ay ikatutuwa na lamang nila kung maging P2 ito.
Positibo naman si De Luna na papakinggan sila ng gobyerno sa kanilang kahilingan.
At kung maaprubahan ito, humihingi na lamang ng pasensya si De Luna sa mga maaapejtuhang mananakay.
Hiling niya rin ang pag-intindi ng mga mananakay sapagkat pansamantala lamang ang pagtaas ng pamasahe.