Dagupan City – Binigyang diin ng Pambansang Pangulo ng Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP) na hindi lahat ng Magsasaka nakakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ayon kay Oftociano Manalo, Presidente ng P4MP, sinabi nito na tila may pinipili lamang ang mga ahensiya ng pamahalaan kung sino ang mabibigyan, habang marami ang napag-iiwanan.
Giit niya tatlong beses nang nagsuplay ang ilang mga magsasaka, pero hindi pa rin sila nababayaran.
Dagdag pa niya, nananawagan na rin ito na sana’y matulungan silang magkaroon ng truck para sa mobile procurement upang mas mapadali ang pagkuha ng produkto mula sa mga lokal na magsasaka.
Mariing tinuligsa rin nito ang umano’y hindi patas na pamamahagi ng benepisyo gaya na lamang ng nag-viral na galing sa imburnal na nabigyan ng P80K samantalang ‘yung mga magsasaka aniyang hirap na hirap, hindi man lang napagkakalooban ng tamang suporta.
Ibinunyag din ni Manalo na maraming magsasaka ang nawawalan na ng pag-asa sa sektor ng agrikultura. Sa katunayan aniya marami na umano ang nalulugi, lubog sa utang, at mas pinipiling tumigil sa pagsasaka. Bilang panawagan, hinimok niya ang mga kapwa magsasaka na huwag matakot magsalita at iparinig ang kanilang hinaing.
Nanawagan si Manalo para sa mas makatarungan at inklusibong patakaran para sa sektor ng agrikultura upang mapanatiling buhay at produktibo ang kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.