Dagupan City – Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱450,000 halaga ng smuggled na sigarilyo at naaresto ang tatlong indibidwal sa isinagawang checkpoint operation sa bayan ng Bayambang kamakailan.
Kinilala ang mga suspek na isang 45-anyos na drayber mula sa bayan ng Alcala, at dalawang residente ng San Carlos City na may edad 21 at 19.
Ayon sa ulat ng Bayambang Municipal Police Station (MPS), nagsasagawa ng routine checkpoint operation ang mga pulis mula alas-3:00 ng madaling araw hanggang alas-8:50 ng umaga nang kanilang parahin ang isang puting van para sa standard inspection.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang ilang kahon ng iba’t ibang uri ng sigarilyo sa loob ng sasakyan. Nang beripikahin, lumabas na walang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps ang mga pakete, indikasyon na hindi nabayaran ang kaukulang excise tax.
Dahil dito, agad na inaresto ang mga suspek dahil sa paglabag sa Section 263 ng National Internal Revenue Code (RA 8424), na inamyendahan ng RA 10963 o TRAIN Law, at RA 10643 o Graphic Health Warnings Law.
Nasamsam sa kanila ang kabuuang 35 kahon ng assorted cigarettes na katumbas ng 1,720 reams.
Dinala ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bayambang MPS para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga nararapat na kaso.










