Umabot sa tinatayang P40 milyon na halaga ng mga pananim ang nasira o napinsala dahil sa mga pagbaha sa bayan ng Mangatarem.

Kung saan idineklara ng lokal na pamahalaan ang state of calamity bunsod ng malawakang epekto ng tuloy-tuloy na pag-ulan at mga pagbaha, na nakaapekto na sa libu-libong pamilya at nagdulot ng malaking pinsala sa mga pananim sa bayan.

Ayon kay Vice Mayor Ronnie Palisoc, nakatanggap ang Sangguniang Bayan ng liham mula kay Mayor Jensen Viray na humihiling sa pagdedeklara ng state of calamity matapos lumabas sa rapid assessment damage report noong Agosto 15 ang lawak ng pinsalang dulot ng kalamidad.

--Ads--

Sinabi ni Palisoc na umabot na sa 9,580 pamilya, o tinatayang 30,847 indibidwal, ang naapektuhan ng pagbaha. Sa kabuuang 82 barangay ng Mangatarem, 37 barangay na ang naiulat na apektado.

Patuloy rin umanong nananatili sa mga evacuation center ang ilang residente, habang may mga barangay na isolated pa rin dahil sa baha at hindi madaanan ang ilang mga ruta.

Dahil dito, inaasahang higit pang tututukan ng lokal na pamahalaan ang pagtulong sa mga magsasakang nawalan o napinsalaan ng kanilang kabuhayan.

Sinabi rin ni Palisoc na nagsimula na ang pamamahagi ng relief packs ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente, kabilang ang mga pamilyang nananatiling isolated sa kanilang mga barangay.

May mga pondong maaari rin umanong gamitin ang mga barangay para sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga residente ngayong idineklara ang state of calamity.

Bagama’t bumuti na ang panahon nitong mga nakaraang araw, sinabi ni Palisoc na may ilang barangay sa Mangatarem na hindi pa rin madaling marating.

Ayon sa bise alkalde, kinakailangan pa ng ilang relief at response teams na dumaan sa Bayambang upang makarating sa mga barangay na nasa gilid ng Agno River dahil hindi pa madaanan ang ilang direktang ruta.