BOMBO DAGUPAN – Napakalaking insulto-ganyan na lamang isinalarawan ni Jerome Adonis Secretary General, Kilusang Mayo Uno ang P35 na dagdag sahod sa NCR, kung saan malayo ito sa kinakailangan ng bawat pamilya para mabuhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan aniya na dismayado siya at limos lamang itong maituturing dahil kung tutuusin ay hindi naman ito family living wage.
Ito lamang ay patunay na ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ay hindi panig sa mga manggagawa kundi sa mga kapitalista.
Dapat aniya na buwagin ang RTWPB at ituloy na lamang ang panukalang legislative wage increase (LWC).
Kaugnay naman nito ay patuloy silang magsasagawa ng mga paraan upang maitulak ang LWC lalo na at nalalapit na ang SONA ni Pangulong Marcos kaya’t inaasahan nila na bubuhos ang mga manggagawa na magpoprotesta para sa nakabubuhay na sahod at kokondenahin ang napakalaking insulto na ito.
Samantala, nagsisimula pa lamang na mag-usap usap ang kanilang grupo at iba pa kung ano ang pwedeng pagsamahan sa nasabing papalapit na SONA, ngunit aniya ay nagkakaisa naman sila para sa wage increase na patuloy na ipinananawagan.
Dagdag pa niya na gaano man kahirap at kagipit ang sitwasyon ay magpapatuloy parin sila sa lehitimong ipinaglalaban.