DAGUPAN CITY- Dismayado pa rin ang mga manggagawa sa Central Luzon sa nakatakdang P33 taas sahod dahil kung pagsusumahin ay kakarampot lamang ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Primo Amparo, Chairperson ng Workers for People’s Liberation, malayo pa ito sa halagang makakasabay sa mabilis na pagtaas ng mga bilihin.
Aniya, hindi tumatagal ang sahod ng mga manggagawa at tila dumadaan lamang ito sa kanilang bulsa.
Kung tutuusin ay umaabot lamang sa pangbayad sa renta o upa ang 40% ng kasalukuyang wage rate at magiging abunado pa kung idadagdag ang iba pang mga gastusin.
Giit niya, ang nakatakdang wage increase sa nobyembre ay tila “wage recovery” lamang mula sa inflation.
At tanging P1,200 wage rate ang kanilang nakikitang nakabubuhay na sahod.
Samantala, isang taon o higit pa ang hihintayin bago muling mag-issue ng panibagong wage increase.
Ito na aniya ang naging kalakaran sa ating bansa at hindi pa ang inaasahang pagtaas ang natatanggap ng mga manggagawa.
Kaya kung maaari ay gawing national legislated na ang regional wage board dahil kada rehiyon lamang ang naitataas na sahod at hindi pangkalahatan.